PHOTO | WESTERN COMMAND ARMED FORCES OF THE PHILIPPINES

Ni Vivian R. Bautista

NAKABALIK na ang mga bangkang ginamit sa pagsusuplay ng pagkain at iba pang mga pangangailangan ng mga militar na nakatalaga sa BRP Sierra Madre (LS57) sa Ayungin Shoal sa karagatang sakop ng Pilipinas.

Ang mga bangkang Unaizah Mae 1 at Unaizah Mae 2 ay magkatuwang na inispeksyon nina Commander AFP Western Command Vice Admiral Alberto B. Carlos PN at Commodore Alan B. Javier PN ng Naval Forces West.

Ayon sa WESCOM, maraming mga sasakyang pandagat ng China Coast Guard at mga barkong Militia ng Tsina ang humarang, sumunod, at nagtangkang bumangga at kalaunan ay nagbomba ng water cannon sa mga Filipino crew na sakay ng nasabing mga bangka na magsusuplay lang sana ng mga pagkain, tubig at iba pang pangangailangan sa mga tauhan ng Philippine Navy sa nabanggit na karagatan.

Matagumpay namang naiwasan ng UM1 ang Chinese Vessel at tuluyan itong nakapaghatid ng suplay, habang ang UM2 ay hindi kasing-palad ng UM1 dahil ito ay nasa receiving end ng mga water cannon ng China Coast Guard (CCG) vessel ng halos dalawang (2) oras.

Matatandaan na ang isang barko ng China Coast Guard noon ang naghamon at naglayag ng malapitan malapit sa isang bangka ng Pilipinas na magdadala lang sana ng mga pagkain gaya ng mga pakete ng Noche Buena at iba pang suplay para sa mga sundalo sa LS57 noong nakaraang ika-17 ng Disyembre 2022.

Sinabi noon ni Carlos na mahalagang mapanatili ng WESCOM ang posisyon ng bansa sa Ayungin Shoal dahil ito ang pinakamalapit na outpost ng Pilipinas malapit sa garrison ng militar ng China sa Panganiban Reef o Mischief Reef, na matatagpuan sa 250 km kanluran ng Palawan.