Ni Vivian R. Bautista
BINATIKOS ng bansang Japan ang People’s Republic of China dahil sa mapanganib nitong aksyon sa South China Sea (SCS) o West Philippine Sea (WPS), ito ay matapos harangin ng Chinese Coast Guard (CCG) ang mga sasakyang pandagat ng Pilipinas patungo sa Ayungin Shoal nitong mga nakaraang linggo.
Tahasang sinabi ni Japanese Ambassador to Manila na si Kazuhiko Koshikawa sa isang tweet, “China’s unilateral actions such as repeated intrusions into Japan’s waters around the Senkaku Islands in the ECS (East China Sea), China’s dangerous behavior in the South China Sea in defiance of the 2016 arbitration award is a grave concern for regional peace and stability.”
Aniya, ilang mga sasakyang pandagat ng CCG ang “patuloy na nangha-harass” sa mga barko ng PCG habang nagsasagawa ng naval operation katuwang ang Armed Forces of the Philippines Western Command nitong buwan ng Hunyo.
Naiulat din ng PCG ang presensya ng dalawang barko ng China People’s Liberation Army Navy sa Ayungin Shoal.
Ayon sa PCG, ikinalungkot nila ang nasabing kaganapan dahil ang kanilang operasyon ng hukbong-dagat ay “solely humanitarian in nature” ngunit ang mga Tsino ay nag-deploy ng mga barkong pandigma na nagdudulot ng pangamba sa West Philippine Sea.
Samantala, sa ilalim ng administrasyong Marcos aabot na sa 97 ang inihaing protesta ng ahensya laban sa mga aktibidad ng Beijing sa South China Sea, tatlumpu (30) rito ay ipinadala ngayong taon lang, ayon sa ulat ng Philippine News Agency.