Ni Vivian R. Bautista
MARIING kinondena ng Philippine Coast Guard (PCG) ang bansang Tsina sa paggamit nito ng water cannon sa isang bangka ng PCG na naghahatid ng mga suplay sa mga tropang militar na nakatalaga sa Ayungin Shoal nitong ika-5 ng Agosto, 2023 sa West Philippine Sea (WPS).
Sa isang Facebook post, ibinunyag ng PCG ang nasabing pagharang ng Chinese Coast Guard (CCG) ng Tsina sa mga bangka nitong naghahatid lang sana ng suplay ng pagkain, tubig, gasolina, at iba pa sa mga tropang militar na nakatalaga sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ayon pa sa ulat, lumapit ang barko ng CCG sa mga naturang bangka at direkta umanong nagpasabog ng mga water cannon sa mga Filipino crew.
Ang mga ganitong aksyon ng CCG ay hindi lamang binalewala ang kaligtasan ng PCG crew at ang mga supply boat ngunit lumabag din sila sa internasyonal na batas, kabilang na dito ang 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), ang 1972 Convention on the International Regulations for Preventing Collisions at Sea (COLREGS), at ang 2016 Arbitral Award.
Nananawagan ang PCG sa China Coast Guard na pigilan ang mga puwersa nito, igalang ang mga karapatan ng Pilipinas sa exclusive economic zone at continental shelf, iwasang hadlangan ang Kalayaan sa paglalayag, at magsagawa ng naaangkop na aksyon laban sa mga indibidwal na sangkot sa labag sa batas na insidenteng ito.
Ayon pa sa PCG, hiling nila sa CCG bilang isang organisasyon na may responsibilidad na sundin ang mga obligasyon ng estado sa ilalim ng UNCLOS, COLREGs, at iba pang nauugnay na instrumento ng internasyonal na kaligtasan at seguridad sa maritime na itigil ang lahat ng mga ilegal na aktibidad sa loob ng mga maritime zone ng Pilipinas.
Ayon sa ulat, sinabi rin ng Estados Unidos na naninindigan ito sa Pilipinas kasunod ng nasabing insidente, at sinabing ang mga aksyon ng China ay “direktang nagbabanta sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon.
Matatandaang, kamakailan lang ay minarkahan ng Pilipinas ang ika-7 anibersaryo ng 2016 PCA ruling na pumabor sa pag-angkin ng bansa sa South China Sea sa loob ng exclusive economic zone nito at epektibong nagpawalang-bisa sa nine-dash line claim ng China sa pinagtatalunang karagatan.
Habang ang nasabing desisyon ay suportado naman ng mga bansa gaya ng Japan, US, Australia, at France, kahit na paulit-ulit na binalewala ng Tsina ang naturang desisyon.