Ni Marie Fulgarinas
Namataan sa Ayungin Shoal, malapit sa BRP Sierra Madre, ang world’s largest coast guard ship, ang China Coast Guard 5901 na mas kilala sa tawag na “The Monster,” ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa ulat ng GMA News, kinumpirma ng ahensya ngayong Martes, Hunyo 25, ang paglalayag ng naturang barko sa West Philippine Sea.
“We have noted reports of a large China Coast Guard (CCG) vessel passing near the BRP Sierra Madre at Ayungin Shoal,” pahayag ng ahensya.
“The presence of this 12,000-ton CCG ship near BRP Sierra Madre is part of a broader pattern of intrusive patrols aimed at asserting unlawful claims over areas within the Philippines’ exclusive economic zone (EEZ),” ayon pa sa pahayag.
Tahasan ding inihayag ng AFP na ang presensya ng CCG vessel sa lugar ay itinuturing na “illegal, coercive, and contrary to the spirit of maintaining peace and stability in the region.”
Binigyang-diin din ng ahensya na patuloy na magsasagawa ng pagbabantay ang Philippine military upang ipatupad ang anumang international maritime laws partikular na ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Nanawagan din ang Armed Forces of the Philippines sa iba pang karatig-bansa na mariing sumunod sa mga batas pang-internasyunal at iwasang gumawa ng anumang aksiyon na magpapatindi sa tensiyon sa WPS.
PAGKILOS NG MONSTER SHIP
Nitong Hunyo 19, namataan din ang China’s “Monster ship” na naglalayag malapit sa Pag-Asa Island, ayon kay US Air Force official and ex-Defence Attaché Ray Powell.
Inihayag din ni Powell na nitong Hunyo 24, ang nasabing barko ay dumaan malapit sa pBRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal na patungong Escoda Shoal kung saan nakaistasyon ang Philippine Coast Guard ship na BRP Teresa Magbanua.