Ni Ven Marck Botin
NAGKAISANG inaprubahan ng Sangguniang Bayan ng Kalayaan, Palawan, nitong ika-3 ng Agosto, ang panukalang pagdedeklara bilang “persona non grata” si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian kaugnay sa patuloy na pagtatanggol ng opisyal sa mga Chinese Coast Guard sa kabila ng ginagawang harassment ng mga ito sa mga tropa ng Pamahalaan ng Pilipinas na naglalayag at nagsasagawa ng pagbabantay sa Kanlurang Karagatan ng Pilipinas.
Kamakailan, umani ng batikos ang mga Tsinong Coast Guard bunsod sa iligal na pambobomba ng tubig laban sa tropa ng Philippine Coast Guard (PCG) na nagsasagawa ng “resupply mission” sa mga nakatalagang tauhan ng Hukbong Pandagat ng Pilipinas sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Batay sa resolusyon na inilabas ng bayan ng Kalayaan, ang pamahalaan ng Tsina ay patuloy umano sa pang-aalipusta sa mga Pilipinong naglalayag sa West Philippine Sea.
Ayon dito, nalalagay sa alanganin ang mga buhay ng mga Pilipinong mangingisda at mga tauhan ng Philippine Navy dahil sa paghaharang o iligal na paggamit ng water cannon para tabuyin ang mga Pilipinong naglalayag sa WPS. Nalalagay rin umano ang soberanya ng Pilipinas sa kapahamakan.
“Ang naratibo ng bansang kinakatawan ni Huang Xilian ay isang lantarang paglalapastangan sa mandato at pagkalehitimo ng Bayan ng Kalayaan, Palawan,” pahayag ng bayan ng Kalayaan.