PHOTO || SCREENSHOT/ PPC TOURISM FACEBOOK LIVE

Ni Clea Faye G. Cahayag

UPANG masiguro na hindi na dumami ang kaso ng Malaria sa Puerto Princesa, ang City Health Office o CHO ay regular na magsasagawa ng smearing sa mga lugar na sakop ng lungsod.

Ayon kay Dr. Ralph Marco Flores, Medical Officer lll, regular na magsasagawa ng smearing ang CHO partikular sa mga residente na naninirahan malapit sa kagubatan at flowing water.

Aniya, kung ang lamok na may dengue ay naninirahan sa mga stagnant na tubig kabaligtaran naman nito ang Anopheles mosquitoes na nagdadala ng sakit na Malaria dahil ito ay naninirahan sa mga flowing water tulad ng sapa, ilog, at iba pa.

“May smearing pa rin tayo at ‘yung gamot ay libre pa rin na ibinibigay namin at ‘yung smearing naman ay regular lalo na po sa mga tao talaga na ang kabuhayan ay nasa kakahuyan. Sila ay pinapa-testing natin ng Malaria at minsan before sila pumunta [roon] ay magpa-prophylaxis na sila para sa Malaria,” ayon kay Flores, ang mga serbisyong nabanggit ay libreng ipinagkakaloob ng City Health Office.

Kamakailan ang barangay Irawan ay nakapagtala ng limang (5) kaso ng Malaria, ito ay matapos magsagawa ng testing sa mga residente sa nabanggit na lugar. Ito ay nabigyan na ng mga gamot at gumaling na ang mga ito.

Binigyang-diin din ni Flores na walang dapat ikaalarma ang mga residente ng lungsod pagdating sa Malaria dahil ginagawa ng kanilang tanggapan ang lahat ng interbensyon upang hindi na kumalat ang sakit na nabanggit.

Nananawagan naman ito na magtulungan sa paglilinis ng kapaligiran para makaiwas sa mga sakit na dala ng lamok at magpakonsulta kaagad kapag may naramdamang sintomas nito.

“Huwag po tayo mag-alala kasi ang City Health [Office] ay nasa forefront of controlling the vector borne diseases such as dengue and malaria. Dito po sa ating lugar ang hinihingi po namin ang kooperasyon ng lahat kung kayo ay mayroong nararamdaman ang lahat naman ng serbisyo para maagapan kung kayo ay mayroong sakit ay [mayroon] po tayo [rito] sa city,” ani Flores.

Ilan lamang sa sintomas ng pagkakaroon ng Malaria ang matinding pagsakit ng ulo, mataas na lagnat, at panghihina ng katawan.