PUERTO PRINCESA CITY — PERSONAL na nakadaupang palad ni Brigadier General Amado Dela Paz, Deputy Commander for Internal Defense Operations, si Commission on Human Rights (CHR) Chairperson Richard Palpal-latoc na naganap sa Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Command nitong Mayo 22, 2024.
Layon ng nasabing pagbisita na palakasin ang pakikipagtulungan sa pagitan ng CHR at AFP, na nagbibigay-diin sa pagsasanib ng mga prinsipyo ng karapatang pantao sa mga operasyon nito at pagpapahusay ng proteksyon ng mga karapatang pantao sa mga lugar ng labanan.
Ayon sa CHR, kasabay ng pagbisita ay ang pagkakaroon ng isang sesyon ng pagsasanay ukol sa Human Rights 101, na kung saan ay nakapaloob dito ang mga mandato, tungkulin, programa, at serbisyo ng CHR na idinaos para sa mga opisyal ng karapatang pantao ng WESCOM.
Ang pagsasanay na ito ay co-facilitated ng Human Rights Promotion Office at ng CHR Region IV-B Office.
Ang mga aktibidad na ito ay bahagi umano ng MIMAROPA leg na flagship ng human rights education program ng CHR Chairperson, na kilala bilang Lakbay Karapatan Tungo sa Kamalayan (LAKARAN).
Ang inisyatiba ng #LAKARAN ay sinusuportahan ng Governance in Justice – The Human Rights Component, na pinondohan ng European Union sa Pilipinas at AECID Philippines.
Matatandaang, bumisita rin si Chair. Palpal-latoc kasama ang kanyang grupo sa tanggapan ni Mayor Lucilo Bayron upang pag-usapan ang ilang mga mahahalagang isyu na may kaugnayan sa karapatang pantao hindi lang sa Lungsod ng Puerto Princesa kundi pati narin sa lalawigan ng Palawan.