Photo courtesy | PPCIO

PUERTO PRINCESA CITY — Pinailawan na
nitong ika-21 ng Oktubre 2023 ang Winter Fest Christmas Tree ng NCCC Mall kasabay ng pagpapailaw ang pagbuhos ng snow crystals mula sa snow machine.

Ang aktibidad ay pinangunahan nina Puerto Princesa City Vice Mayor Maria Nancy Socrates at City Councilor Victor Oliveros kasama ang mga officials ng naturang mall.

Ayon sa mall management, ang Winter Fest Christmas Tree ay sumisimbolo sa pag-ibig, saya, at tunay na diwa ng kapaskuhan na dinadaos sa mundo kada taon.

Samantala, nagpaabot naman ng mensahe si Punong Lungsod Lucilo R. Bayron sa pamamagitan ni Hon. Oliveros na aniya, ang christmas tree ay sumasagisag sa pagkakaisa ng mga mamamayan ng lungsod kaya’t nagpapasalamat sila sa pamunuan ng mall sa pagtulong nito sa pag-angat ng antas ng pamumuhay ng mga mamamayan ng Puerto Princesa.

Samantala, nakiisa naman sa kaganapan sina DTI Palawan Hazel Salvador, City Youth Development Officer Ralph Richard Asuncion, at mga local social media influencers.

Sa kabilang dako, ang NCCC Mall Palawan ay itinatag ng Chinese national na si Lim Tian Siu at asawang si Ko Giok Loo, ito ay isa lamang sa ilang NCCC Mall na kasalukuyang nag-o-operate sa lugar ng Mindanao. Ito rin ang kauna-unahang mall na itinayo sa Lungsod ng Puerto Princesa at Palawan.

Ang pagdiriwang ng kapaskuhan sa naturang mall ay may official hashtag na #CelebrateChristmasWithNCCCMall.