Photo courtesy | BJMP

UNTI-UNTING dumadagsa ang mga pamaskong regalo ng mga di-kilalang indibidwal na may mabubuting puso para tuparin ang mga christmas wish ng mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) ng lungsod ng Puerto Princesa at lalawigan ng Palawan.

Iba’t ibang di-kilalang indibidwal at organisasyon ang nagbigay ng saya sa mga bilangguan ng Puerto Princesa City Jail-Male Dormitory at Brooke’s Point District Jail sa pamamagitan ng mga ipinagkaloob na mga damit, personal hygiene kit, pagkain at iba pa na nagbibigay-kagalakan sa mga PDL.

Nabigyan ng pagkakataon ang mga donors na mamahagi ng regalo bunsod ng paglalagay ng mga PDL ng mga kahilingan sa Christmas wall at Christmas tree na pinangasiwaan ng mga nabanggit na pamunuan ng bilangguan.

Sa pamamagitan nito, naipararating at naipapadama ng mga volunteers ang pagkalinga, pag-asa, at pagmamahal sa mga PDL. Ang mga simpleng handog ay katumbas ng labis na kasiyahang hatid para sa mga PDL.

Ilan sa mga nagpaabot ng kanilang pagmamahal at malasakit ang social media influencer na si Sachzna Laparan, Landbank of the Philippines Brooke’s Point, SK Federation, Eco Park Full Gospel Church AG, Seventh-Day Adventist, One Beat One Goal Foundation ng Punta Baja, Rizal Palawan, 1st Palawan PMFC at marami pa.

Samantala, patunay na naipapadama pa rin ang tunay na diwa ng pasko sa katulad ng mga taong handang magmalasakit maliban sa mga taong malaya kundi maging sa mga taong nasa likod ng rehas.

Author