Simula nitong Oktubre 1 hanggang ika-2 ng buwan, dalawa lamang sa Lungsod ng Puerto Princesa ang nakapaghain ng kandidatura — ito ay sina Edmundo Katon na tatakbong pagka-alkalde at re-electionist City Councilor Elgin Robert Damasco.
Ayon kay Atty. Julius Cuevas, Comelec Officer ng lungsod, hindi lamang ang lokal na ahensiya ng komisyon ang nakararanas ng mababang turnout ng mga naghahain ng kandidatura sa buong bansa. Aniya, pati head office ay nakararanas din ng kaparehong sitwasyon.
“Well, nationwide, sabi nga [roon] sa Comelec Head Office pati sila nakararanas ng ganitong sitwasyon sa una at pangalawang araw.
Pero, dito sa city, ang nangyayari [ay] wala pang nagpapa-file ngayong araw (Miyerkoles) isa pa lang sa pagiging councilor…kahapon isa sa pagka-mayor. So, patuloy tayong maghihintay [r]ito sa opisina ng comelec para sa mga gustong mag-file,” ani Atty. Cuevas.
Paliwanag pa ng opisyal, sa unang apat na araw ng filing period ay walang naghahain ng kandidatura ngunit sa pagsapit sa ikalimang araw ay dagsa na ang mga kandidato upang maghain ng kanilang certificate of candidacy.
“Last 2022 National and Local Elections, ako iyong nag-receive ng COC’s ng mga local candidates dito. Simula nang October 1 hanggang October 4, wala ring nagpa-file then nu’ng October 5, doon na nag-file ang dalawang partido — nagkasabay pa sila. Hindi natin alam kung sinadya o nagsilipan sila. We’re not actually expecting anything this year… sabi ko nga, sa kanilang desisyon ‘yong ganiyang mga bagay, tayo ay maghihintay lang,” dagdag ng opisyal.
Nilinaw rin ni Cuevas na minabuti ng kaniyang opisina na hindi tanungin ang mga aspirants sa anumang iskedyul ng paghahain ng kanilang kandidatura.