Kinilala bilang “Philippine Sports Tourism Organizer Of The Year 2023” ang Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa na ipinagkaloob ng SELRAHCO sa ginanap na 6th Sports Tourism Awards.
Ipinagmalaki ni Mayor Lucilo Bayron na bagaman hindi nila inaplayan ang parangal binigyang pansin pa rin ang mga ginagawang pagsisikap ng lokal na pamahalaan para maging Sports Tourism Capital of the Philippines.
Kumpiyansa rin ang Alkalde na muling makakakuha ng kaparehong parangal ngayong 2024 dahil marami nang naglalakihang sports event ang napagtagumpayan ng lungsod ng Puerto Princesa gaya na lamang ng World Table Tennis, International Dragon Boat Festival, STRASUC, ICF Dragon Boat World Championship, Ironman at ang nagpapatuloy na Batang Pinoy National Championships 2024.
Dagdag pa rito ang BIMP-EAGA Friendship Games na isasagawa rin sa siyudad sa buwan ng Disyembre.
“Tumanggap tayo kanina ng award ‘yung Sports Tourism Award for the year 2023. Private sector ang nagbigay nyan— hindi naman natin inaplayan pero na-recognize talaga ‘yong lahat ng pagsisikap ng city government of Puerto Princesa for the year 2023.
Kung noong 2023 nabigyan tayo ng ganyang award —wala sigurong makakatalo sa atin for the year 2024. Kung [mayroong] award ulit yan next year sigurado tayo ang kukuha ng Government Organizer Award,” ang tinuran ng Alkalde matapos ang flag raising ng city government kaninang umaga, Nobyembre 25.