Photo | Repetek Team

Pinaghahandaan na ng Puerto Princesa City Government ang pagpasok ng La Niña, ayon kay City Information Officer Richard Ligad.

Aniya, nakipagpulong siya sa City Engineering Office upang talakayin ang mga hakbang ng lokal na pamahalaan kaugnay sa La Niña.

Sa panayam ng lokal midya sa opisyal, nakaraang Linggo ay nagsimula na sa pag-iikot ang maintenance team ng City Engineering Office para inspeksyunin ang mga drainage at lugar na madalas binabaha tuwing umuulan sa siyudad.

“Katatapos lang [namin mag-usap] ng City Engineering Maintenance Team natin, ready naman tayo sa tag-ulan. Last week pa nag-ikot na sila kung mapapansin niyo last week umulan na, medyo okay pa naman kahit poaano maliban doon sa [temporary] shelter kasi may bahagi talaga roon na mababa ang area, bumaha nga nakaraan pero hindi naman iniwanan ng ating mga taga-city maintenance,” pahayag ni Ligad.

Aniya, para hindi na bahain ang shelter gumawa ng maliit na drainage sa bahagi ng Peneyra Road at naka-standby rin ang maintenance team sa lugar.

Dagdag pa rito, ininspeksyon din ng grupo ang national highway sa barangay San Manuel na madalas tumataas ang tubig kapag malakas ang ulan.

“Nag-iikot- ikot na sila roon sa pangunahing tingin nila crucial kapag tag-ulan. Itong mga wescom road, itong mga area na mabababa. Pinaghahandaan na rin nila yan at nililinis ang ibang drainage dyan kung may bara,” ayon pa kay Ligad.

Binigyang-diin din ni Ligad na ang mga problema sa pagbaha ay masosolusyunan lamang ng drainage master plan.

“Nakasalalay pa rin yan sa ating drainage master plan, once na ginawa nila ang drainage master plan yung dinadaluyan ng tubig mawawalan ng problema pero may iba kasi na hindi pa nila nasisimulan kailangan masimulan na pero ang importante doon nakaikot ang ating maintenance team tuwing umuulan, alerto sila, dahil alam nila kaakibat ng pag-ulan ay ang pagbaha,” binigyang diin pa ng opisyal.

Paliwanag pa nito, batay sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA, inaasahang mararanasan ang La Niña sa Agosto hanggang huling buwan ng taon.

Kaugnay nito, maging ang City Disaster Risk Reduction and Management Council ay patuloy ang mga ginagawang paghahanda sa pagpasok ng La Niña phenomenon.