PHOTO | CITY INFORMATION OFFICE

Ni Clea Faye G. Cahayag

IPINAGDIRIWANG ngayong buwan ng Setyembre ang ika-123rd Philippine Civil Service Anniversary. Tema nito ngayong 2023 ang “Transforming Public Service in the Next Decade: Honing Agile and Future- Ready-Servant- Heroes”.

Ang pagbubukas ng selebrasyon nitong ika-1 ng Setyembre ay sinimulan ng pamahalaang lungsod sa isang parada mula sa Balayong People’s Park patungo sa New City Hall.

Sa mensahe ni Punong Lungsod Lucilo Bayron nitong umaga ng Lunes sa flag raising ceremony ng city government, pokus nito ang dynamism at paghahanda sa mga lingkod bayan na maging handa sa hinaharap kaya binigyang-diin nito na kung ang lahat ay magtutulungan walang pagsubok ang hindi kayang lampasan ng lokal na pamahalaan.

“Sa tingin ko napatunayan ng pamahaalang lungsod ng Puerto Princesa na ready tayong humarap sa mga biglaang changes at saka biglang sitwasyon nu’ng harapin natin ang Covid-19. Masasabi ko na ang ating response is one of the best. Dapat gamitin natin ‘yan na inspirasyon na kung magsasama-sama tayo syempre kaya natin harapin lahat ng magiging problema,” ani Bayron.

Aniya, ito rin ang rason kung bakit mas pinapaunlad ang kakayahan ng City Engineering Office at City Health Office para makapagbigay pa ito ng mas malawak na serbisyo sa mga darating na panahon.

“’Yun ang reason kung bakit ini-enhance natin ang capability ng engineering, ng city health kasi ‘yan ‘yung mga nakikita natin na kailangan ma-enhance natin — maging future ready dahil ang Puerto Princesa talagang magti-take off, hindi talaga mapipigilan malayo ang mararating ng lungod ng Puerto Princes s’yempre sa tulong ng lahat ng kawani ng pamahalaang lungsod at lahat ng mamamayan,” dagdag pa ni Mayor Bayron.

Napapanahon na rin aniya na mas paunlarin ang sektor ng turismo at agrikultura sa lungsod.

“Siguro, it’s time na medyo i-enhacne na natin ang ating tourism at agriculture kasi ‘yung tourism hindi nalang tayo eco-tourism nagba-branch out na tayo sa sports tourism at saka sa [MICE] meetings, incentives, at conventions sa Pilipinas–medyo mataas na ambisyon, mataas na pangarap pero kung hindi tayo mangangarap wala tayong mararating,” ayon pa sa Alkalde.

Mayroon namang iba’t ibang aktibidad ang bawat linggo ng selebrasyong ito gaya ng sports festival, oryentasyon ng mga programa ng gobyerno para sa mga empleyado, blood letting, dental mission, pre-retirement seminar, gift giving, kasalang empleyado, bazzar at health & wellness activity, singing contest at highlight sa culminating activity sa ika-29 ng Setyembre ang Search for Miss and Mister CGPP.