Ni Clea Faye G. Cahayag
DAHIL sa pagiging maagap na pagbabahagi ng kontribusyon sa Home Development Mutual Fund (HDMF) Pag-IBIG fund, ang Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa ay ginawaran ng “Pag-ibig Fund’s Top Employers in South Luzon for the year 2022”.
Si City HRMO Chief Atty. Kerwin Arnold Mawie Palatino, kinatawan ng city government ang tumanggap ng parangal nitong ika-19 ng Mayo sa Bellevue Manila, Alabang, Muntinlupa, sa isinagawang Stakeholder Accomplishment Report (STAR).
“This plaque of recognition is presented to City Government of Puerto Princesa as one of the Pag-IBIG Funds efforts of providing Filipino workers the benefits of its saving programs and access to affordable home financing,” ang nakasaad sa plaque.
Ito ay personal naman niyang iniabot kay Punong Lungsod Lucilo Bayron matapos ang flag raising ceremony nitong araw ng Lunes, ika-22 ng buwan ng Mayo.
Sa mensahe ni Bayron, patunay lamang ito na maganda ang performance ng city government pagdating sa pagbabayad ng Pag-IBIG funds.
“’Di naman natin inaplayan ‘yan tapos ang kino-cover niyan South Luzon, ibig sabihin, magmula sa pinakaunang probinsya…akalain mo binigyan tayo ng recognition, ‘yung mga dating kalaban natin sa [Southern Tagalog Regional Athletics Association (STRAA)] ‘yan ‘yung mga Batangas, Cavite. Ibig sabihin talagang maganda ang performance natin kung PAG-IBIG ang pag-uusapan natin.
“‘Yung mga empleyado natin masinop din sa pagbayad, ‘yung city government masinop (din) na nagre-remit ng bayad kaya nagkaroon tayo ng ganu’ng recognition,” pahayag ng Alkalde sa flag raising kaninang umaga.