INANUNSYO ngayong umaga ni Punong Lungsod Lucilo Bayron na ang lokal na pamahalaan ay maglalagay ng Garden Wedding Area at Wifi Hotspot sa Balayong People’s Park.
“Paplanuhin na natin ang minimithi natin na Garden wedding area— yung mga kabataan na ito [riyan] na lang magpapakasal sa ating wedding area.
Mag-e-establish [din] tayo ng wifi hospot dito. Hindi na natin hihintayin ang national government, ang city government na lang ang magtatayo sa iba’t ibang lugar, iba-iba ang password para mas malakas yung signal, kaya naman yun kahit Starlink, kahit papaano pwede magamit ng mga kababayan natin lalo na ng kabataan,” ito ang bahagi ng mensahe ng Alkalde sa pagdiriwang ngayong araw ng Balayong Tree Planting and Nurturing Festival 2024 sa lungsod ng Puerto Princesa.
Maliban dito, sa susunod na taon ay sisimulan na rin ang paglalagay ng ilaw sa ilalim ng mga puno ng Balayong, mga picnic areas at karagdagan pang mga benches para may lugar pahingahan ang mga bibisita rito.
Sa ngayon, nasa 1,100 mga puno ng Balayong ang nakatanim sa parke na patuloy na pinapangalagaan ng mga mamamayan ng lungsod.