PALAWAN, Philippines — APRUBADO na ng Sangguniang Panlungsod ang isang resolusyon na humihiling kay Punong Lungsod Lucilo Bayron na magpatupad ng Occupational Heat Safety sa pamamagitan ng pagbibigay ng ‘heat break’ sa mga manggagawa ng lokal na pamahalaan na ang trabaho ay babad sa ilalim ng mainit na sikat ng araw.
Sa ulat ng komite ni Konsehala Judith M. Bayron, siyang may akda ng naturang resolusyon, ang lungsod ng Puerto Princesa ay palagiang nakapagtatala ng heat index na 41 hanggang 44 degree celsius batay sa forecasted heat index ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration o PAGASA.
Ang mga lugar na nakararanas ng 42 hanggang 51 degree celsius ay pasok sa kategoryang “danger”, ibig-sabihin, ang sobrang exposure sa init ay maaaring magresulta ng heat cramps, heat exhaustion, at heat stroke.
Ito ang nagbunsod sa Konsehala na magpasa ng resolusyon na magbibigay ng heat break sa mga trabahong babad sa araw na kinabibilangan ng City Solid Waste Management Office, City Traffic Management Office, Oplan Linis Program at ng mga Community Volunteer Health Workers ng pamahalaang lungsod.
Ang nabanggit na heat break ay mula alas onse ng umaga hanggang alas dos ng hapon (11:00 AM- 2:00 PM).
Inaatasan din ang City Health Office na magsagawa ng information campaign sa mga nabanggit na opisina na may kinalaman sa mga preventive measures kung paano maiiwasan ang mga sakit na dulot ng mainit na panahon.
Samantala, ang lungsod ay nakararanas ng 44 degree celsius heat index ngayong araw ng Lunes, batay pa rin sa ulat ng PAGASA.