PALAWAN, Philippines — Nakipag-ugnayan ang City Government sa Korean Exim Bank para sa expansion ng Puerto Princesa International Airport, ito ang tinuran ni Punong Lungsod Lucilo Bayron nitong Lunes.
Sa flag raising ceremony ng Pamahalaang Panlungsod nitong Hunyo 3, ibinalita ni Bayron kasama ang ilang opisyales ng lokal na pamahalaan na nagpresenta ang kanilang grupo ng isang loan proposal sa Korean Exim Bank para pondohan ang panukalang expansion ng paliparan sa lungsod.
Aniya, paggagamitan ng loan ang konstruksyon ng bagong terminal at pagpapalawak ng runway para makatanggap ng mas malalaking eroplano ang paliparan ng Puerto Princesa International Airport.
Ngunit ayon sa alkalde, ang nabanggit na banko ay hindi nagkakaloob ng loans sa mga local government units, kundi tanging sa mga national government agencies lamang.
“Nanggaling ‘yung grupo natin, pumunta tayo sa Korean Exim Bank kasama ‘yung City Planning Officer, City Architecture at City Engineering at nagpresenta tayo sa Korean Exim bank—ano sana yun long term loan, 40 years, pagkatapos .05% ang interest. Yun lang hindi pala sila nag/grant ng loan sa mga LGUs, sa mga national government agencies lang,” paliwanag ng Alkalde.
Kaugnay nito, nakipag-ugnayan si Bayron sa Department of Transportation o DOTr at nakipag-usap kay dating Philippine Coast Guard (PCG) Commandant Admiral George Ursabia kung saan nangako ito na tutulungang makausap ng Alkalde si DOTr Undersecretary Timothy John Batan.
Sa kanilang pag-uusap, sinabi ni Undersecretary Batan na mayroong proposal ang Villar Group na i-expand at i-manage ang Puerto Princesa International Airport ngunit ayon kay Bayron walang nakipag-usap sa kanilang Villar Group.
“Sabi ko walang nakipag-usap sa amin na Villar Group para malaman nila kung ano ang plano ng local government unit para ma-incorporate nila sa kanilang plano.
Atleast yung sa airport dalawa yun, gagawa din daw sila ng letter na magconduct na ng feasibility study yung Korean Exim Bank,” pahayag pa ni Bayron.