City Mayor’s Office of Puerto Princesa File Photo
Sa Flag raising ceremony nitong Lunes, Hulyo 15, sinabi ni Punong Lungsod Lucilo Bayron na kasalukuyang naghahanap ng mamumuhunan sa proyektong viaduct ang Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa. Ayon sa alkalde, isa sa nakikita niyang investor sa nasabing proyekto ang negosyanteng si Ramon Ang, pangulo at chief executive officer ng Top Frontier Investment holding, Inc. at largest shareholder ng San Miguel Corporation.
“Kararating ko lang galing Manila kahapon, nilakad ko ‘yung reclamation natin sa Philippine Reclamation Authority (PRA) at saka sinubukan kong hanapin si Mr. Ramon Ang, ‘yung presidente ng San Miguel. Nakarating din ako sa opisina ng San Miguel, tinulungan ako ni Col. Ariel Querubin na sana makausap si Ramon Ang. Sinabi ko rin kay Ariel kung ano ‘yung lakad ko. [P]inuntahan na raw niya si Ramon Ang at sabi sa kanya hindi muna tayo mag-i-involve [riyan] kasi ang dami nating inaasikaso,” pahayag ng alkalde.
Ang viaduct ay isang uri ng mahabang tulay na magsisilbing alternatibong daanan na kokonekta sa barangay Mandaragat patungong Barangay San Pedro, Abanico Road at Barangay Tiniguiban, Purok Sandiwa papuntang Barangay Sicsican. Ito ay ilan lamang sa mga proyektong nais maisakatuparan ni Bayron sa ilalim ng kanyang panunungkulan.
Ito ang nakikitang solusyon ng lokal na pamahalaan upang mabawasan ang mabigat na daloy ng trapiko sa lungsod. Matatandaan, ang proyektong ito ay una nang napabilang na mapondohan sa ilalim ng budget proposal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa taong 2022.
Maliban dito, ipinabatid din ng alkalde na mayroong bagong kautusan si Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kung saan ipinatitigil ang mga proyektong reclamations sa bansa ngunit mayroon naman itong binigay na mga exemptions.
“Palagay ko makakakuha naman tayo, dahil ang reason gusto natin mai-save ang bay na hindi na magbalikan ang mga coastal dwellers doon. Sabi sa akin yun daw reclamation natin sa Quito—iligal, wala daw papel ‘yun, pero dito sa baywalk legal daw kasi may papel yun. Yun na nga medyo matagal na natigil,” dagdag pa ni Bayron.