Kasalukuyang naghahanap ng mamumuhunan sa proyektong viaduct ang Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa. Sa flag raising ceremony, sinabi ni City Mayor Lucilo Bayron na isa rin sa kanyang nakikitang investor para sa nabanggit na proyekto ang kompanyang Manny V. Pangilinan (MVP) Group.
Aniya, kasama ang City Planning Office at City Engineering Office, kamakailan ay nagkaroon sila ng online meeting sa MVP Group.
“Last week nag-zoom meeting kami with Manny V. Pangilinan group tungkol sa viaduct kasama yung Engineering at City Planning.
At syempre hindi naman natin agad makuha ang ‘Yes’ pero atleast pinakinggan tayo. Ire-request natin yung MVP na mapondohan yung viaduct ng Puerto Princesa para magkaroon ng ease, mapagaan yung traffic natin diyan sa San Pedro,” pahayag ng Alkalde.
Matatandaan, una nang nilapitan ni Bayron ang negosyanteng si Ramon Ang, pangulo at chief executive officer ng Top Frontier Investment holding, Inc. at largest shareholder ng San Miguel Corporation para mamuhunan sa proyektong viaduct sa lungsod.
Batay sa ulat, hindi prayoridad ng kompanya ang nasabing proyekto kaya patuloy na naghahanap ng project investors ang Pamahalaang Panlungsod.
Makikita sa ibabang larawan ang Parapat Viaduct Project na matatagpuan sa Pagudpud, Ilocos Norte.