Screengrabbed via Google Map

PALAWAN, Philippines — Plano ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Puerto Princesa na ilipat ng lugar ang mga oil depot sa lungsod ngunit wala pang nakikitang “ideal sites” ang city government kaya naman nakipagpulong ito sa iba’t ibang kompanya ng langis para sa rekomendasyon ng mga ito, ayon kay Punong Lungsod Lucilo Bayron

“Siguro aware kayo na binigyan natin sila ng notice na they have to transfer to other sites pero wala tayo talagang makita na ideal na sites. Nakausap natin yung representatives ng Shell, Filoil, ang dami nila, anim ata.

Nag-present sila, ‘yung William Tan Enterprises, Inc. mayroon din silang proposal. Ngayon pinagsalu-salubong namin sila nu’ng Friday, nagkaroon ng meeting ng lahat ng depot operators. Ang takbo ng usapan hingi kami ng comments sa inyo, feedback, recommendation,” saad ng alkalde.

Ani Bayron, matapos ang meeting, dalawa ang naging potential site; ‘yung dating Citramina camp na may pantalan sa Barangay Sta. Lourdes at sa bahagi ng Barangay Luzviminda.

Ayon pa sa alkalde, pareho itong hindi “ideal sites” pero mas maayos kung ikukumpara sa kasalukuyang pinaglalagyan ng mga oil depot sa siyudad.

“Ang difference du’n sa Luzviminda mahirapan tayo kontrolin yung pag-spur ng development kung [naroroon] yung depot kasi talaga titirahan sa malapit dahil may mga magtatrabaho [roon], mapaparehas lang dito

Samantala kung doon sa Sta. Lourdes kaya natin dahil forest ang katabi puwede siguro natin aplayan — ng ating City ENRO ‘yung Socialized Industrial Forest Management Agreement (SIFMA) o kung ano para hindi madebelop yung katabing forest nang sa ganu’n nakahiwalay sila,” paliwanag pa ni Bayron.

Sinabi rin ng Alkalde na magkakaroon pa rin ng mga susunod na pagpupulong kaugnay rito.

Dagdag pa ni Bayron, ayon sa kompanya ng Filoil, posible na itong mag-operate ng bagong depot sa ikalawang kwarter sa susunod na taon pero manggagaling sa Luzon ang fuel kaya walang magiging pagbabago sa presyo nito.

Ipinanukala rin ng naturang kompanya na i-extend ang pantalan ng isang kilometro para ma-accomodate ang mga international ship na maaaring magsuplay ng langis.

“Sabi rin nila pwede nilang i-extend yung pantalan para malalim kasi humahabol ng 12-13 meters yata na lalim para yung international ship na darating puwedeng imported ang ating fuel kayang pababain ang cost ng 3-4 pesos. Ang sabi namin hindi tataas sa Manila dapat the same sa Manila o lower pa sa Manila —hindi raw talaga kaya yun na maging lower sa Manila dahil yung volume ng bentahan napakalaki, dito sa atin magiging volume ng bentahan hindi naman ganun kalaki,” pahayag pa ng Alkalde.