Puspusan na ang konstruksyon ng City Health Medical Complex sa lungsod ng Puerto Princesa dahil target matapos ang proyekto sa buwan ng Pebrero.
Ayon kay Punong Lungsod Lucilo Bayron, ang lahat ng mga materyales at kagamitan tulad ng aircon, elevator at iba pa ay nakarating na sa site at handa nang ikabit.
“Sabi nang in-charge contractor d’un, they’re going to overtime everyday at hinahabol nila na matapos ‘yun by month of the February this year. Isang buwan na lang at kalahati, pinapupursigihan na [matapos ang proyekto].
Nand’yan na raw lahat ng materials, lahat ng item, aircon, nand’yan na ang elevator. Ika nga ikakabit na lang lahat ng ‘yun at sabi ng representative ng contractor may chance talaga na matatapos nila ng February,” ani Bayron.
Ang medical complex ang isa sa pinakamalaking infrastructure project ng lokal na pamahalaan na kabilang sa mga proyektong itinataguyod sa nasasakupan ng Balayong People’s Park.
Ito ay inaasahang magpapalakas ng healthcare system ng siyudad at magbibigay ng mas mataas na kalidad ng serbisyong medikal sa mga residente dahil ito ay mas ‘enhance’ kung ikukumpara sa mga satellite clinic na mayroon sa mga rural na barangay ng lungsod.
Ilan lamang sa mga serbisyong ipagkakaloob nito ang consultation, laboratory, pagbibigay ng iba’t ibang bakuna at iba pa.
“Finished City Health Medical Complex Building as main diagnostic center with hemodialysis capability,” dagdag pa ng Alkalde.