Ni Clea Faye G. Cahayag
SA ginanap na media forum nitong araw ng Lunes, ika-3 ng Hulyo, taong kasalukuyan, kinumpirma ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) na nasa kustodiya nila ang lahat ng armas kaugnay sa kasong Malversation of public property na isinampa kay Palawan 3rd District Representative Edward S. Hagedorn.
Ayon kay P/Lt. Col. Joseph Dela Cruz, hepe ng Investigation and Detection Management Unit ng City PNP, bagama’t hindi niya nasundan ang kasong ito gayundin ang rason kung bakit nagkaroon ng delay sa pag-turn over ng mga armas, kinumpirma nito na ito ay naibalik na sa kanilang pangangalaga.
“Regarding po [roon] sa mga baril, based sa record, accounted po lahat ‘yun, nasa amin po ‘yung mga baril. Actually, hindi ko nasundan ang kaso [pero] based sa record namin, accounted naman lahat ,” ani Dela Cruz.
Dagdag pa nito, kung sakaling humingi si Hagedorn ng sertipikasyon para rito, magbibigay rin aniya ang City PNP.
Ayon naman P/Capt. Victoria Carmen Iquin, PPCPO Spokesperson nai-turn over sa kanila ang mga armas noon pang September 14, 2017.
Kamakailan lamang ay hinatulang ‘convicted’ si dating Puerto Princesa Mayor at ngayo’y Palawan 3rd District Representative Edward Hagedorn dahil sa kasong malversation of public property.
Ito ay nag-ugat sa labing-apat (14) na armas na bigong maibalik ni Hagedorn noong siya ay nanungkulan bilang Alkalde ng Puerto Princesa dahil dito ito ay hinatulan ng dalawa (2) hanggang pitong (7) taong pagkakakulong at permanenteng diskwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyon sa pamahalaan.
Samantala, sa ipinatawag na press conference ni Hagedorn noong Sabado, nanindigan itong inosente at binigyang-diin na naibalik na sa PPCPO ang lahat ng armas na iniuugnay sa kanyang kaso.