Ni Samuel Macmac
IPINARAMDAM ng mga kapulisan ang malasakit sa mamamayan at komunidad sa mga bata at kabataang may kapansanan na naimbitahang bumisita sa Puerto Princesa City Police Office Headquarters.
Isang kahanga-hanga at kakaibang social interaction ng mga kapulisan para sa mga bata at kabataang may kapansanan kasama ang kanilang mga magulang sa Special Socialization Exposure event ang inorganisa ng TAW-KABUI for a child Inc. na ginanap sa PCPO headquarters.
Naging mainit ang pagtanggap ng PCPO na pinamumunuan ni City Director PCOL Ronie S. Bacuel para sa mga partisipante na nasabing aktibidad na naglalayong ipakita at ipadama ang mga ginagawa sa loob ng kanilang tanggapan bilang mga alagad ng batas.
Nakabihis ng kanilang mga uniporme, at nagpaunlak ang mga kapulisan sa mga katanungan ng mga partisipante hinggil sa kanilang daily police operations.
Kabilang sa nilalayon ng aktibidad na magkaroon ng malalim na kaalaman ang mga ginagawa ng mga kapulisan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lungsod gayundin ang pagmamalasakit at serbisyong ibinabahagi sa komunidad.
Ayon kay Police Colonel Bacuel na higit sa pagpapakita ng kanilang ginagawa sa araw-araw ay ang maipadama sa komunidad na sila ay ligtas at pinahahalagahan.
“…we want them to know that the police are here to protect them and that we are approachable whenever they need us,” aniya.
Samantala, ang Socialization Exposure ay bahagi ng nagpapatuloy na isinasagawang aktibidad ng TAW-KABUI na nag-o-offer sa mga batang may kapansanan ng pagkakataon na ma-explore ang komunidad, ma-develop ang kanilang pakikisalamuha at magkaroon ng exposure sa iba’t ibang public services.
v