Ni Marie Fulgarinas

Ipinababatid ng pamunuan ng Puerto Princesa City Police Office sa publiko na mag-ingat sa isang taong umiikot sakay ng motorsiklo, nagbabahay-bahay, at nag-aalok ng repair services sa mga sirang home appliances.

Ayon sa pulisya, modus operandi umano ito ng lalaki na mag-alok ng serbisyo sa pag-aayos ng mga sirang gamit na kung saan kukunin nito ang loob ng kaniyang magiging biktima at hihingi ng perang pambili ng piyesa ng sirang gamit na aayusin. Kapag nakuha na umano ang pera mula sa kaniyang biktima, hindi na babalik ang lalaki at hindi na rin matawagan sa kaniyang ibinigay na contact number.

Dahil dito, hinihikayat ng pulisya ang publiko na maging alerto at agarang ipagbigay-alam sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o sa barangay na nasasakupan kung sakaling mamataan o makaengkuwentro ng katulad sa nabanggit na senaryo.

Samantala, ipinababatid din sa publiko na mayroong kampanyang “Oplan Kamalay- Kapulisan at Mamamayan Magkakampi sa Kaayusan at Kapayaan”. Ang pangunahing layunin ng kampanya ay isulong ang mabilisang komunikasyon at “immediate delivery of basic police service” sa mga komunidad sa bansa.

Sa Oplan Kamalay, mayroon ding group chat channel na kung saan miyembro nito mga residente ng barangay at purok. Sa nasabing channel, maaaring ipagbigay-alam ng mga mamamayan ang kanilang mga concerns patungkol sa peace and order and other law enforcement concerns sa kanilang lugar.

Dagdag dito, mayroon ding Focal Person ang Philippine National police na nakatalaga sa bawat barangay at purok na tutugun sa mga sumbong ng mga residente.

Author