PALAWAN, Philippines — Tiniyak ng mga kawani ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) ang kaligtasan at seguridad ng komunidad sa gitna ng masamang panahon na nakakaapekto sa ilang barangay sa lungsod.
Nakipag-ugnayan ang pulisya sa mga yunit ng lokal na pamahalaan at iba pang kinauukulang ahensya upang matiyak ang mabilis at mahusay na pagtugon sa anumang insidente ng kalamidad dulot ng pananalasa ng Southwest monsoon.
Sa direktibang ibinaba ni Police Coronel Ronie S. Bacuel, City Director ng PPCPO, agad niyang pinakilos ang kaniyang mga tauhan upang magsagawa ng rescue operations, mamahagi ng mga relief goods, at tumulong sa paglikas ng mga apektadong pamilya.
Ayon sa tanggapan, aktibo ring tumulong ang mga kapulisan sa mga rescue at relief efforts, road-clearing operations, pag-aalis ng mga debris at mga natumbang puno upang maibalik ang daloy ng trapiko at matiyak na ang mga serbisyong pang-emerhensiya para sa mga apektadong barangay nang walang pagkaantala.
Bukod sa on-the-ground operations, pinaigting pa ng mga tauhan ng PPCPO ang pagpapatrolya sa mga apektadong lugar upang maiwasan ang anumang masasamang gawain at matiyak ang kapayapaan at kaayusan sa loob ng komunidad.
“Our men and women showed exemplary dedication and selflessness in responding to the needs of our during this calamity. Despite the challenges posed by the storm our personnel remained focused their mission to protect and assist the affected communities,” saad ni Bacuel sa pagtatalaga ng mga tauhan ng PPCPO.
Samantala, patuloy na binabantayan ng pulisya ang mga apektadong lugar at nananatiling nakaalerto para mabigyan ng agarang tulong ang mga nangangailangan.