Photo courtesy | BFAR MIMAROPA

Inalis na ang closed fishing season na ipinatupad ng Department of Agriculture’s Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o DA-BFAR sa bahaging norte ng lalawigan ng Palawan.

Ayon sa DA-BFAR, simula ika-1 ng Pebrero ay muli nang pinahihintulutan ang mga commercial fishers na mangisda sa northern Palawan.

Ang closed fishing season ay ipinatupad sa loob ng tatlong buwan simula ika-1 ng Nobyembre 2024 hanggang ika-31 ng Enero, taong kasalukuyan, sa layuning maprotektahan at maparami ang populasyon lalo na sa spawning season ng Decapterus species o mas kilala sa tawag na galunggong.

Sa ilalim nito, ipinagbawal ang paggamit ng purse seine, ring at bag net sa paghuli ng galunggong sa loob ng conservation area ng Hilagang-Silangan ng Palawan.

Ito na ang ika-siyam na taong implementasyon ng closed fishing season alinsunod sa Joint Administrative Order No.1 series of 2015.