PUERTO PRINCESA CITY — Patuloy ang paninindigan ni Philippine Coast Guard (PCG) Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) at PCG, laban sa pagkilos at pag-angkin ng Tsina sa pinagtatalunang mga isla sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon sa Philippine Information Agency (PIA), sa isang panayam kay Tarriela nitong Marso 18, tahasan nitong inihayag na hindi patitinag ang Pilipinas laban sa pro-China trolls, mga taga-pagpalaganap ng maling impormasyon, at mga ma-impluwensyang operasyon.
“We must confront the realities of the situation head-on,” ani Tarriela sa isang kamakailang pahayag.
“China’s blatant disregard for international law and its bullying tactics cannot be tolerated. It is our duty to defend our maritime rights and sovereignty,” pahayag ni Tarriela.
Aniya pa, ang alitan sa teritoryo ng West Philippine Sea ay patuloy umanong pinagmumulan ng tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China.
Sa kabila ng isang internasyunal na desisyon ng arbitrasyon noong 2016 na nagpawalang-bisa sa malawakang pag-aangkin ng China sa katubigang sakop ng bansa, patuloy na iginigiit ng Beijing ang kontrol nito sa rehiyon sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga artipisyal na isla at pag-deploy ng mga sasakyang pandagat ng militia.
“We must fight disinformation with facts…The Filipino people deserve to know the truth about what is happening in our waters, and we will not be intimidated by those who seek to obscure it,” dagdag ni Tarriela.
Tahasang inihayag din ni Tarriela na ang Philippine Coast Guard ay hindi natatakot na punahin ang mga aksyon ng bansang China sa WPS.
Sa kabilang dako, minsan na rin umanong naging target ng mga pag-atake online ng pro-China trolls at mga nagpapalaganap ng maling impormasyon laban kay Tarriela na layuning siraan at patahimikin ang opisyal at kasalukuyang administrasyon na may kaugnayan sa paninindigan sa nasabing international waters.
Gayunpaman, si Tarriela ay nananatiling walang pag-aalinlangan at sumusumpang magpapatuloy sa pagpapahayag ng katotohanan at inilalantad ang mga pagtatangka ng China na linlangin at manipulahin ang pampublikong opinyon.
Samantala, habang patuloy na umiinit ang isyu sa South China Sea, ang hindi natitinag na katapangan at pangako ni Tarriela sa paglalantad ng katotohanan ay naging simbolo ng determinasyon ng Pilipinas na protektahan ang mga karapatan nito sa soberanya sa harap ng panghihimasok ng China sa ating Exclusive Economic Zone (EEZ).