PUERTO PRINCESA — Sama-samang namulot ng mga basura sa dalampasigan at nagtanim ng mga bakawan ang mga men in uniform ng Palawan na isinagawa sa bayan ng El Nido at bayan ng Brooke’s Point ng ika-18 ng Oktubre, taong kasalukuyan.
Nagtulungan ang mga tauhan ng Tourist Police Assistance Center-El Nido at El Nido Municipal Police Station (MPS) para sa sabayang paglilinis sa Pasandigan Cove at Natnat Beach.
Ito ay bunsod na rin ng inisyatibo ng El Nido Tour Guide Association, mga negosyante, at private sectors sa nasabing bayan bilang pagtalima sa pinaiigting na kampanya ng pamahalaan sa pagbabawal ng paggamit ng single-use plastic.
Samantala, nagtanim naman ng mga bakawan ang mga tauhan ng Brooke’s Point Municipal Police Station (MPS), Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology, Philippine Coast Guard (PCG), PCG Auxiliary, Philippine Army kasama ang Non-Government Organizations, mga opisyales ng Brgy. Barong-Barong, at LGU-Brooke’s Point sa pangunguna ni Mayor Cesareo Benedito Jr.
Base sa ulat, umabot sa 400 mga bakawan ang naitanim sa nasabing barangay bilang bahagi ng mga aktibidad pang-kalikasan na may temang “Eco-Balance” na layong mapanumbalik ang ganda ng kalikasan para sa kapakinabangan ng buong komunidad.
Patuloy na isinusulong ng mga kapulisan sa lalawigan ng Palawan ang pagprotekta at pagpapahalaga hindi lamang sa kapakanan ng mga mamamayan at komunidad kundi maging sa kalikasan.