PUERTO PRINCESA CITY — Personal na tumungo sa Pag-Asa island sa bayan ng Kalayaan ang mga kawani ng Commission on Elections upang saksihan ang pagbubukas muli ng voters registration nito lamang Pebrero 12, 2024.
Alinsabay nito ang pagdiriwang ng National Voters Day o ang Pambansang Araw ng Botanteng Pilipino.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, sila ay nagtungo sa lugar upang tiyakin na ang mga kwalipikadong Pilipino na naninirahan sa mga malalayo at liblib na lugar kung nabibigyan ng pagkakataon na makapagparehistro para makaboto.
“Napakaimportante ng araw na ito dahil gusto natin i-emphasize ang kahalagahan ng pagpaparehistro kaya minarapat po ng Commission on elections na puntahan natin ang Pag-asa Island dahil may mga kababayan tayo [r]oon na nagpaparehistro at magpaparehistro at sasaksihan namin yun.
At ang isa pa sa pinakaimportante [r]oon naipapakita natin na ang lugar na iyon ay pag-aari ng ating bansa sapagkat yan ay hindi lang munisipyo ng Palawan kundi may mga botante tayo na nakarehistro at nagpaparehistro para makaboto sa darating na national and local elections kasama ang barangay at SK elections.
Gusto rin namin i-emphasize sa buong bansa na kaya naming puntahan ang pinakasulok ng ating bansa upang iparehistro ang mga kababayan natin,” ayon sa Chairman.
Kaugnay nito hinihikayat ng Comelec ang mga mamamayang Pilipino na maglaan ng oras at panahon sa pagpaparehistro para makaboto sa eleksyon.