PHOTO | FACEBOOK/PPCPO

Ni Clea Faye G. Cahayag

IPINATUPAD na ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) ang COMELEC checkpoint sa lungsod nitong ika-28 ng Agosto dakong 12:00 ng hatinggabi na pinangunahan naman ni PPCPO City Director PCol. Ronie S. Bacuel kasama si Election Officer IV Atty. Julius Cuevas.

Anim (6) na COMELEC checkpoints ang inilagay ng kapulisan sa mga barangay ng San Miguel, Irawan, Inagawan, Napsan, Sitio Anilawan at Sitio Sabang.

Sa panayam ng lokal na midya kay PNP City Director PCol. Bacuel, pangunahing iniinspeksyon sa checkpoint ang driver’s license at rehistro ng kanilang sasakyan.

Panawagan nito sa mga drayber ng sasakyan na habaan ang kanilang pasensiya kapag dumadaan sa mga checkpoint dahil ito ay bahagi ng crime prevention para mapanatili na maayos at payapa ang buong panahon ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023.

“Kaya po kami nandito ngayon ng election officer para makita kung nasusunod po ba ang regulation natin na ipinapatupad. Sa mga kababayan natin na may mga sasakyan pakihaba-habaan po ang pasensya ‘pag makadaan kayo sa ganitong mga checkpoint. Sumunod na lang sila sa instruction ng ating kapulisan, alam naman ng mga kapulisan natin kung ano ang limitation nila. Part ng crime prevention itong checkpoint para mapanatili na maayos ang flow ng election at mairaos natin na matiwasay at tahimik” ani Bacuel.

Alinsabay ng pagtataguyod ng COMELEC checkpoint, ang pagpapatupad rin ng gun ban sa loob ng siyamnapung (90) araw na election period, epektibo Agosto 28 hanggang Nobyembre 29, 2023, batay sa COMELEC Resolution 10741.

“Simula ngayon, ipinagbabawal na kahit may permit to carry fire arms ka pa, ipinagbabawal na bitbitin ang baril sa labas. So ‘yun ang ipaabot natin sa mga kababayan natin lalo na ‘yung mga fire arms natin, dati nakakapagdala sila, may permit sila, pero starting today hindi na sila pinapayagan, hindi na hino-honor ang permit to carry fire arms,” dagdag pa ng opisyal.

Samantala, makakasama rin ng kapulisan sa mga checkpoint ang Highway Patrol Group (HPG) at Armed Forces of the Philippines (AFP).