Mas pinalawig na ng Commission on Elections (Comelec) ang pagboto sa eleksyon dahil pinapayagan na nito ang pagsasagawa ng mall at internet voting, ito ang kinumpirma ni Comelec Chairman Atty. George Erwin M. Garcia, sa ginanap na information drive sa lungsod nito lamang Huwebes, Agosto 15.
“Sa susunod na halalan, binanggit na rin ni Comissioner (Nelson) Celis, gagawin na rin ng comelec nationwide ang mall voting.
Malamang-lamang ang SM Puerto Princesa, magpapaboto kami ng lahat ng barangay na nakapaligid sa mismong mall na ‘yan,” ang anunsyo ni Garcia.
Aniya, sa pamamagitan ng mall voting hindi na kinakailangan pang gamitin ang mga maliliit na classroom at maiiwasan na rin ang vote buying na kadalasan nangyayari sa labas ng mga paaralan tuwing araw ng eleksyon.
Matatandaan, inilunsad ng Komisyon ang mall voting sa ilang malls sa Kamaynilaan noong Agosto 2023 para maging katuwang ang mga malls sa panahon ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023.
“Hindi na natin gagamitin ang mga pagkaliliit na classrooms sa mga eskuwelahan na nakapalibot sa malls, hindi na masisira ang halaman ni teacher, yung mga upuan na pagkaliliit; kahoy pa, uupuan pa medyo ng pagkalalaki nasisira atleast nung sinubukan namin ang mall voting nung Barangay and SK elections —walang vote buying, walang pananakot, maayos.
Malinis ang pagpasok ng mga nakatatanda’t may kapansanan,may wheel chair, may nag-aaruga, at nag-aasikaso sa kanila at pinaka importante malamig kaya kahit ang pagboto ay alas singko ng umaga bukas na ang mall doon mismo sa mga barangay na nakapaligid sa mall na yan,” pahayag pa ni Garcia.
Maliban sa mall voting, sisimulan na rin ang implementasyon ng internet voting sa eleksyon sa susunod na taon.
Ayon kay Garcia, ang Pilipinas sa unang pagkakataon ay susubukan na rin ang internet voting kung saan ang mga Pilipino na nasa abroad ay makaboboto na sa pamamagitan ng paggamit ng gadgets tulad ng cellphone at laptop.
“Sa susunod na halalan din po first time in our history, kauna-unahan sa ating kasaysayan—internet voting para sa mga kababayan natin abroad.
Hindi na nila kinakailangan pumunta sa embahada o konsulada upang bumoto. Hindi na namin sila kailangan padalhan ng envelope na naglalaman ng balota na hindi naman ibinabalik.
Sa pamamagitan ng kanilang cellphone, laptop, ipod makaboboto na sila, kahit mga marino na naglalayag yung mga barko nila hindi na nila kinakailangan dumaong pa sa isang pier para makaboto,” anunsyo pa ng Comelec Chairman.
Kung magiging matagumpay malaking kaginhawaan ito sa mga nakatatanda, may kapansanan at mga buntis dahil hindi na nila kinakailangan pang lumabas sa kani-kanilang mga tahanan para makaboto tuwing halalan.
Layunin ng Comelec na masiguro na lahat ng Pilipino nasa loob o labas man ng bansa ay makaboboto.
“Ginagawa po yan ng Comelec upang masubukan natin sa darating pang halalan sa mga susunod pwede na natin gawin ang internet voting sa mismong ating bansa, sa mga nakatatanda, sa mga may kapansanan, sa mga nagdadalang tao upang hindi na sila lalabas ng mga bahay — sa bahay nalang sila boboto gamit yung mga device na ito.
Naniniwala po tayo that a vote that cast is a voice that heard. Kinakailangan masigurado lahat may partisipasyon anuman ang katayuan sa ating lipunan,” binigyang-diin pa ni Garcia.