Ni Clea Faye G. Cahayag
EXCITED na ang mga residente ng barangay Kamuning para sa nalalapit na commissioning ng palengke sa kanilang lugar sa araw ng Biyernes, Hulyo 7.
Market mall ang konsepto ng palengkeng ito na may lawak na 2,000 square meters ang buong floor area at mayroong 72 square meters na mezzanine area na magsisilbing opisina ng pamilihan.
Ito ay nahahati sa wet at dry section kung saan mayroong 60 stalls sa bawat section. Mayroon din itong stalls na maaaring rentahan at puwestuhan ng karinderya.
Sa flag raising ceremony kaninang umaga ng city government sinabi ni Mayor Lucilo Bayron ang bagong bukas na palengke ay bilang suporta sa mga magsasaka at mangingisda na lalong magpursige sa paghahanapbuhay dahil mayroon ng paglalagyan ang kanilang mga produkto.
“Sa Biyernes, commissioning ng ating public market gusto ko sana ang mga department heads sasama at saka magdala ng pera para magbili [roon], mura ‘yung mga gulay at prutas doon syempre para ma-excite ang mga vendors natin doon sa ating public market.”
“Nakikita ko na makakatulong ng malaki sa mga farmers, sa mga fisherfolks ‘yung palengke na ‘yan dahil kahit papaano [mayroon] na silang lugar na p’wedeng pagbentahan ng mga produkto unlike noon pinupuntahan ng mga kubrador medyo nababarat sila, binibili ng mura ang kanilang mga produkto,” ani Bayron.
Aniya pa, tuwing araw ng Biyernes at Sabado ay magkakaroon ng market day sa Kamuning Public Market para makapagbenta rin ng kanilang mga produkto ang iba pang mga tindero’t tindera.
“Tuwing Friday, Saturday parang market day doon. Kinausap na ‘yung mga tinda-tindahan dito na mag-display doon ng mga kaldero, siyanse, mga ganun na mura lang para mabili ng mga taga-barrio na mamamayan natin,” dagdag pa ng Alkalde.
Ang proyektong ito ay pinondohan ng pamahalaang lungsod na nagkakahalaga ng PhP59,489,076.22.