PUERTO PRINCESA CITY — Iminungkahi ni Palawan 1st District Board Member Nieves Rosento nitong araw ng Martes, Agosto 13, na magkaroon ng isang committee hearing hinggil sa viral social media post ng isang turistang content creator na si Chrish Ann Austria na “Do not drink water in El Nido”.
Matatandaan nitong mga nagdaang araw, nagbahagi ng kaniyang travel experiences si Austria matapos makaranas ng diumano’y matinding pagsakit ng tiyan at pagtatae dulot umano ng inuming tubig na kaniyang nakuha sa water dispenser sa kanilang tinutuluyang bahay-bakasyunan.
Sa privilege speech ni Rosento, binigyang-diin nito na ang naging karanasan ng nasabing content creator ay nagbibigay-diin lamang tungkol sa napakahalagang isyu sa usapin ng kalusugan, kalinisan, at kalidad ng tubig sa ilang mga sikat na destinasyon sa lalawigan ng Palawan partikular na ang bayan ng El Nido.
Aniya, napakahalaga umanong mapag-usapan ang isyung ito dahil hindi lang ito nakakaapekto sa lalawigan at sa mga mamamayan kundi pati na rin sa ibang panauhin at mga bisitang dumarayo na mula sa malalayong lugar upang masilayan ang ganda ng tanawin ng Palawan.
“Ang privilege speech po na ito ay hindi para kondenahin o batikusin ang nag-post na si Chrish Ann Austria na hindi rin po ito isang paraan upang magturuan po sa kasalukuyang nangyayari para sa ilang mga tourism destination natin.
Naririto po ang inyong lingkod upang humimok po tayo sa ating lokal na pamahalaan, sa ating probinsya na magsagawa na po ng isang masusing pagsusuri at pagmomonitor sa kalidad ng tubig hindi lamang sa nasabing lugar sa ating bayan ng El Nido kundi sa iba’t ibang tourism destination sa ibang bayan Palawan na posibleng magkaroon din po ng mga problema,” ani Rosento.
“Sa kabila ng kanyang magandang experienced tila natakpan po ang kanyang mgandang karanasan sa isang experience na nagbigay ng masamang impresyon sa ating bayan ng El Nido ito ay patungkol sa kanyang kalusugan,” aniya pa.
Napakahalaga po ng usapin ng kalinisan ng tubig na ginagamit po ng ating mga panauhin dapat po nating maglatag ng mga hakbang upang mapabuti ang mga pasilidad at tiyakin na ang mga bisita, ang mga local na turista, maging tayo pong lahat sa lalawigan ng Palawan ay makasunod sa pamantayan ng isang maayos na inuming tubig.
“Huwag din po natin hayaan na maging hadlang ang ganitong mga insidente upang patuloy na mapaunlad ang lumalagong turismo ng ating lalawigan, sa halip dapat po tayong matuto sa mga karanasang ito at magsanib-pwersa ang Pamahalaang Panlalawigan, mga non-governmental organization, ang lahat ng mga tourism sector kasama na ang lahat ng mamamayan upang matamo natin ang kaligtasan sa isang malusog at maayos na tubig sa ating lalawigan,” dagdag pa ng bokal.
Iminungkahi rin ni Rosento sa plenaryo na maumpisahang mabigyan ang mga tourism sector ng kampanya sa kamalayan sa mga lugar na pupuntahan ng mga turista, ang pagkakaroon ng mga “Do’s and Don’ts”, kabilang din dito ang pagsasanay sa mga lokal na negosyante na maipakita ang pag-aalaga sa mga bisita, pagsusuri at pag-audit ng existing na mga pasilidad sa lahat ng mga tourism destination sa lalawigan kagaya ng pagsusuri ng tubig sa mga pasilidad na kaakibat ng turismo, kailangan ding makita na mailagay sa mga tourism destination ang mga emergency response na kung saan ay pupuwedeng kontakin ng mga turista sakaling makaranas ng hindi kaaya-ayang kondisyon sa kalusugan, at maglagay ng regular feedback mechanism.
“Sana po ang usaping ito’y mapag-usapan ng committee on health, mai-refer po natin maipatawag ‘yung mga grupo na agency tourism sector, rural health unit, at iba’t ibang asosasyon sa bayan ng El Nido isama narin po natin ang Coron, at iba pa pong mga ongoing destination sa lalawigan ng Palawan at mapag-usapan po yung mga usapin pong ito,” paliwanag pa ng bokal.