PUERTO PRINCESA CITY — Isinagawa nitong Marso 13 ang dalawang araw na Community-Based Sustainable Tourism (CBST) Fair 2024 na ginanap sa Victoriano J. Rodriguez Hall ng gusaling kapitolyo.
‘Enhancing Local Capacity: Fostering Sustainable Livelihood through Creative Tourism and Gender-Inclusive Development’ ang tema ng aktibidad na bahagi ng paggunita ng Buwan ng Kababaihan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan na pinamumunuan ni Gobernador Victorino Dennis Socrates.
“Karangalan ko na makaisa kayong lahat sa pagpupulong na ito na tatalakay sa Community-Based Sustainable Tourism na direksyong pinatutunguhan ng industriya ng turismo sa ating lalawigan.
Sapagkat alam natin na ang turismo rin ang pangunahing industriyang inaaasahan nating magpapalago sa ating ekonomiya,” pahayag ni Socrates.
Layunin ng aktibidad na magkaroon ng bagong kaalaman ang mga tourism stakeholders patungkol sa creative tourism na kung saan nagsilbing resource speaker si Department of Trade and Industry-Palawan Provincial Director Hazel Salvador.
“Ang creative tourism ay travel na directed towards an authentic and immersive experience na ang layunin ay participative learning, matuto ang mga turista hindi lamang sa natural attraction sites bagkus ‘yung may kinalaman sa arts at heritage,” ayon kay Provincial Tourism Promotions and Development Officer Maribel Buñi.
“We help them to gain new valuable insights and skills to enhance our Community-Based Tourism Organizations… In this gathering, we will introduce a new perspective showing the Community-Based Tourism industries in Palawan ng mga bagong approach, the creative tourism kung saan ito ay involvement ng tourists and communities,” pahayag naman ni Palawan Board Member Roseller Pineda, Committee Chairman ng Cultural Heritage and Tourism Development.
Ang aktibidad ay inisyatibo ng Provincial Tourism Promotions and Development Office katuwang ang Provincial Gender and Development (GAD) Office.
Samantala, nakiisa sa kaganapan ang iba’t ibang indibidwal mula sa CBST organizations, Gender and Development (GAD) Focal Point, lokal na opisyales, at iba pang stakeholders mula sa labing-anim na bayan ng Palawan at lungsod ng Puerto Princesa.
Photos: PIO Palawan