Ni Vivian R. Bautista
SA pangunguna ng Department of Tourism (DOT) Region 4B MIMAROPA, kasalukuyang isinasagawa mula nitong ika-31 ng Hulyo hanggang ika-6 ng Agosto 6 2023 ang isang Community Guiding Training sa bayan ng Coron, Palawan.
Ang nasabing kaganapan ay nilahukan ng nasa mahigit pitumpung (70) mga indibidwal na layon ay lumikha ng mga pagkakataon at makabuo ng mga trabaho at upang matulungan ang mga local frontliners ng komunidad sa pagbibigay ng kalidad na serbisyo sa mga turista, at mga layunin na naaayon sa lokal na pamahalaan ng nasabing bayan.
Makatutulong din ang nasabing aktibidad sa mga kalahok upang sila ay magkaroon ng iba’t ibang kaalaman at kakayahang propesyunal pagdating sa paghawak ng mga panauhin o turista.
Naisakatuparan ang naturang pagsasanay sa pamamagitan ng iba’t ibang ahensya gaya ng DOT MIMAROPA Region, Malampaya Foundation, Provincial Government of Palawan, LGU-Coron Tourism Office na pinamunuan ni Ms. Khristine Mechelle Ablana.
Una nang nagpasalamat ang pamunuan ng lokal na pamahalaan ng nasabing bayan sa pagsasakatuparan nito at sa pakikiisa na rin ng mga partisipante, batay sa ibinahaging impormasyon ng Municipal Government of Coron.