Photo courtesy | PIA Palawan
IPINAGDIRIWANG ngayong buwan ng Oktubre ang National Statistics Month (NSM) sa bisa ng Presidential Proclamation No. 647 na nilagdaan ni dating Pangulong Corazon C. Aquino noong Setyembre 29, 1990.
Ngayong 2023 ang ika-34th taong selebrasyon nito na may temang “Accelerating Progress: Promoting Data And Statistics For Healthy Philippines”.
Sa ginanap na Kapihan sa Philippine Information Agency (PIA)- Palawan tinuran ni Chief Statistical Specialist Ma. Lalaine M. Rodriguez ng Philippine Statistics Authority (PSA)- Palawan Provincial Statistics Office, layunin ng National Statistics Month na magbigay kaalaman sa publiko na ang statistics ay bahagi na ng araw-araw na pamumuhay.
“Tayo pala mismo we do our daily living through statistics. Hindi lang natin alam, mag-iisip ka ilang takal ang isasaing ko[ng bigas] ngayon–that is statistics dahil sa inyo ang proportionate sa number ng family. Ang statistics ay kasama na sa ating daily way of life,” ayon sa opisyal.
Binigyang diin ni Rodriguez ang kahalagahan ng statistics dahil dito nagsisimula ang pagbabago ng isang komunidad mula sa mga ibinibigay na datos o impormasyon tuwing ang kanilang tanggapan ay nagsasagawa ng mga panayam, survey at census.
Aniya sa pamamagitan nito, nagkakaroon ng batayan ang mga mambabatas para magbalangkas ng mga programa na aangkop sa komunidad.
“Ang success ng isang community ay magsisimula sa statistics na ginagamit ng ating mga policy makers [at] legislators dahil this is an evidence based- statistics,” dagdag pa ni Rodriguez.
Nagsimula naman ang pagdiriwang ng NSM sa Puerto Princesa sa pamamagitan ng isang motorcade. At ilan lamang sa napakaraming aktibidad sa ilalim nito ang Information Dissemination On Statistical Data , Provincial Elimination Statistical Quiz, Digital Poster Making Contest at marami pang iba.