Photo Courtesy | Jose Ch. Alvarez FB

PUERTO PRINCESA CITY — Upang alamin ang kasalukuyang sitwasyon ng Palawan Electric Cooperative (PALECO), bumisita si Palawan 2nd District Representative Jose Chaves Alvarez sa tanggapan ng Department of Energy (DOE) at National Electrification Administration (NEA).

Sa Facebook post, inihayag ng kongresista na personal na nakapanayam nito sina DOE Secretary Raphael P.M. Lotilla at NEA Administrator Antonio Almeda upang talakayin ang ukol sa mga posibleng aksyon na gagawin ng dalawang tanggapan upang mapababa ang presyo ng kuryente sa lalawigan ng Palawan at maging maayos ang paghahatid ng serbisyo para sa mga Palaweño.

Sa pagpupulong, nangako ang mga opisyal na gagawa sila ng mga hakbangin upang masaayos ang mga problemang kinakaharap ng mga Palaweño hinggil sa sa suplay at presyo ng enerhiya sa lalawigan.

Sinabi rin ni Alvarez na tututukan din nito ang mga gagawing aksyon ng tanggapan ng DOE at NEA upang masolusyunan ang krisis ng kuryente sa Palawan.

Matatandaang, una nang nanawagan ang kongresista na magsagawa ng mga pagtatanong o pag-uusap hinggil sa mga isyung kinakaharap ng PALECO.