PUERTO PRINCESA CITY – Dahil sa kaliwa’t kanang kinakaharap na problema ng Palawan Electric Cooperative (PALECO), nananawagan si 2nd District Representative Jose Chavez Alvarez na magsagawa ng mga pagtatanong o pag-uusap patungkol sa mga isyung kinakaharap ng kooperatiba.
Sa pamamagitan ng House Resolution No. 1544 na iniakda nina Speaker Ferdinand Martin Romualdez, Legislative Caretaker ng 3rd District ng Palawan, Cong. Alvarez at Palawan 1st District Cong. Edgardo L. Salvame nitong ika-15 ng Enero, inaatasan ang House Committee on Energy na magsagawa ng mga pagsisiyasat ukol sa isyu ng kuryente sa lalawigan ng Palawan upang agad na maresolbahan ang anumang isyu sa suplay ng enerhiya sa lalawigan.
“It has always been the responsibility of the State to provide the people with reliable, secure and affordable power sources. And what is happening in Palawan involving high power rates, low energization levels and inefficient power distribution, Congress needs to intervene,” ani Speaker Romuladez, batay sa kanyang hiwalay na press release.
“The dire situation in Palawan dampens our enthusiasm over the directives of President Ferdinand Marcos Jr. to provide the people with low power rates and increase energization targets nationwide by 95% in 2025. I hope that with this probe, we can find a solution for all stakeholders in Palawan, especially our citizens,” dagdag ni Romualdez.
Ayon sa tanggapan ni Alvarez, umaasa ang tatlong House Members na makakahanap ng patas na solusyon ukol sa matagal nang problema sa kuryente ng Lalawigan ng Palawan.
Matatandaang una nang tinalakay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan at ng Pamahalaang Panlunsod ng Puerto Princesa ang nasabing krisis sa kuryente na layon ay mahanapan ito ng pangmatagalang solusyon upang maserbisyuhan ng may kasapatan, kahusayan, at abot kayang kuryente ang lalawigan.