Nagpaliwanag ang content creator na si Chrish Ann Austria o mas kilala sa tawag na ‘Forda Ferson’ na wala siyang intensyon na sirain ang imahe ng bayan El Nido, Palawan.
Ito ay matapos umani ng iba’t ibang komento ang kanyang in-upload na video na naglalaman ng kanilang naging karanasan sa pagbisita sa nasabing bayan kamakailan.
Sa video, sinabi ni Austria, habang nagbabakasyon sa El Nido, nakaranas silang limang magkakaibigan ng pagtatae, masakit na tiyan, at pagsusuka matapos uminom ng tubig sa isang water dispenser.
“Be kapag pupunta kayo ng El Nido, huwag na huwag kayong iinom ng tubig du’n o kahit ‘yung mga service water nila or kahit sa hotel at saka yung magmumumug kayo o magto-toothbrush kayo gamit ‘yung tubig doon—huwag talaga.
Five days kami sa El Nido at ayon minalas tayo. Lima kaming magkakasama roon at ayon nagtae kaming lahat as in literal na tae na tubig yung tinatae namin maya’t maya, sobrang sakit ng tyan tapos nagsusuka pa, ang sakit pa naman— grabe talaga—sobra talagang trauma yung tubig doon.
Hindi kami uminom ng tap water doon at service water, sa hotel kami uminom pero hindi talaga kaya ng sikmura,” ang nilalaman ng video.
Ang video na ito ay umani na ng 365.3K likes, 12.3K shares at 2,365 comments sa tiktok account ng naturang content creator.
Sa hiwalay naman na video sa tiktok account pa rin ni Austria, ipinaliwanag nito na ang video na kanyang unang in-upload ay layunin lamang na magbigay ng awareness sa mga taong nagbabalak pumunta sa El Nido.
Binigyang diin nito, wala siyang intensyon na sirain ang imahe ng lugar.
“..Katakot, ang dami pong nagagalit lalo na yung mga locals doon sa Palawan. Ang ginawa ko lang naman is nag-share lang ako sa inyo para sa mga future na magta-travel dun, bakit naman parang ang sama-sama ko.
Again, yung video na yun is to share awareness lang po, hindi po para sirain ang El Nido, hindi po para huwag magpapunta ng turista sa El Nido,” paliwanag pa ni Austria.
Narito naman ang ilan sa mga komento ng netizens sa naturang post ni Austria.
“Wag kana mag alala madam TRUE naman po yung sinabi nyo, kahit ako taga El nido agree sayo.”
“We visited El Nido last 2022 and driver ng Van pa po mismo nag advise sa amin and pinabili kami ng 6L mineral water. Kasi reported na po na may mga sumasakit ang tiyan siguro po hindi hiyang ganon.”
“Lagi yan advise ng mga nakapunta na sa El Nido. Number 1 rule is, bottled water ang inumin. Kaya nung nagpunta kami dyan kahit nung Island Hopping namin nagbaon kami ng tubig sa tumbler.”
“I’m a Palaweña and it is one of the concerns of locals in el nido. And it is true! Ever since, water na talaga problem ng El Nido.”
Samantala, sa kabila ng hindi magandang naging karanasan, hindi naman aniya matatawaran ang mga nagagandahang tanawin at pasyalan sa El Nido, Palawan.