PUERTO PRINCESA — Nagsimula nitong Oktubre 9, ang tatlong (3) araw na Cooperative Congress ng Rehiyon 4B na kasalukuyang ginanap sa Citystate Asturias Hotel, Lungsod ng Puerto Princesa.
Ito ay dinaluhan ng nasa higit 400 delegado na may kaugnayan sa kooperatiba mula sa mga probinsya ng Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan.
Ayon sa Provincial Cooperative Development Office Palawan, ang programa na may temang “Cooperatives: Stronger Together Today for a Brighter Tomorrow” ay inorganisa ng Cooperative Development Authority 4B at Ikalawang MIMAROPA Cooperative Congress sa pakikipagtulungan ng kanilang tanggapan sa ilalim ng Pamahalaang Panlalawigan na bahagi ng pagdiriwang ng Cooperative Month ngayong Oktubre.
Ayon sa mensahe nina Cooperative Development Authority (CDA) MIMAROPA Regional Director Alberto A. Sabarias at CDA Chairperson Usec. Joseph B. Encabo, binigyang-diin ng mga ito ang ukol sa mahahalagang papel ng mga kooperatiba sa lipunan at ang mga pangunahing pundasyon nito gaya ng pagkakaisa, pagkakasama-sama, at pagsusumikap.
Sa kaganapan ay nagpahayag din ng mensahe ng pakikiisa ng mga Cooperative Cluster Heads pati na rin ang CDA Administrator at CDA Regional Director ng Region IV-B.
Samantala, kasabay rin ng nasabing programa ang pagsasagawa ng trade fair na makikita ang iba’t ibang maipagmamalaking produkto mula sa mga probinsyang kabilang sa Rehiyon 4B.