PHOTO | PCSD

Ni Vivian R. Bautista

LUMAHOK sa pagpupulong ang Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) – District Management Division (DMD)- Calamian na ginanap sa Villa Rizalina sa Barangay Baldat, Culion, Palawan.

Ang pagpupulong ay inorganisa ng Calamianes Resilience Network (CRN) na layon ay makapaglikha ng isang Functional Watershed Management Council (FWMC) na magsusulong ng konserbasyon ng watershed ng So. Dita ng Barangay Malaking Patag.

Ang paglikha ng Functional Watershed Management Council ay mangunguna sa pagbabalangkas at pagpapatupad ng pagsasaayos ng polisiya ng konserbasyon ng watershed na makatutulong bilang karagdagang support mechanism sa ikalawang yugto ng pagpapatupad ng watershed conservation project na pinondohan ng Forest Foundation Philippines (FFP) na nagsimula noong taong 2022.

Ang Functional watershed management committee ay gagana alinsunod sa mga patakaran, alituntunin, at plano para sa nasabing barangay.

Nilalayon ng proyekto na higit pang maprotektahan at maisulong ang biodiversity at malusog na ekosistema sa lugar, sa pamamagitan ng mahigpit na pagpapatupad ng batas, rehabilitasyon, reforestation, at 3-R technology application sa lugar.

Ang tanggapan ng PCSD kasama ang mga kawani nito ay nakatuon sa mahigpit na pagpapatupad ng Republic Act No. 7611 o kilalang Strategic Environmental Plan na batas na nagpoprotekta sa kagubatan ng Palawan.