NANINIWALA ang Philippine National Police (PNP)-MIMAROPA na nagpapakita ng epektibong pagpapatupad at pagpapaigting ng mga estratehiya ang pagbaba ng bilang ng krimen sa MIMAROPA.
Batay sa datos na inilabas ng PNP-MIMAROPA, bumaba ng 22.94 porsyento ang crime volume nitong Pebrero 13-19, 2025, matapos makapagtala lamang ng walumpu’t apat na bilang ng krimen sa rehiyon kumpara sa naitalang isandaan at siyam na krimen sa kaparehong panahon ng Pebrero 13-19, 2024.
Sa loob ng isang linggong police operations sa ilalim ng pamumuno ni PBGEN Roger L. Quesada, Regional Director, natimbog ng awtoridad ang pitong most wanted persons at 38 iba pang wanted persons na may kinakaharap na iba’t ibang kaso sa rehiyon.
Sa pinaiigting naman na kampanya ng kapulisan kontra iligal na sugal, sampung katao ang naaresto sa anim na operasyong naisagawa na nagresulta sa pagkakakumpiska ng bet money na nagkakahalaga ng tinatayang nasa P5,182.00.
Nakumpiska naman ang P40,744.00 halaga ng mga iligal na troso na nasa 5,098.8 board feet sa pamamagitan ng magkahiwalay na operasyon.
Nasabat naman sa ikinasang labindalawang operasyon ng pulisya ang 89.77 gramo ng pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga naman ng tinatayang nasa mahigit 610 libong piso na kung saan nagresulta sa pagkakakulong ng labing-apat na drug personalities sa ilalim ng pinaiigting na kampanya kontra iligal na droga.
Samantala, patuloy naman ang pagsasagawa ng kapulisan ng crime prevention awareness sa mga komunidad na nagiging epektibong taktika rin sa pagbawas ng bilang ng krimen na kung saan ang publiko ay mapagmatyag at maagap sa pag-uulat ng mga kahina-hinalang tao o gawain.