PHOTO | MUNISIPALIDAD NG ABORLAN, PALAWAN

Ni Vivian R. Bautista

ISANG Culminating Activity ang ginanap sa Municipal Covered Court sa bayan ng Aborlan, Palawan nitong ika-27 ng Hulyo ngayong taon alinsabay sa pagdiriwang ng Buwan ng Nutrisyon.

Kabilang sa mga aktibidad ang kompetisyon para sa Little Miss Nutrition 2023, Boodle Fight Competition, Heaviest Saba Harvest, at Awarding of Outstanding Barangay Nutrition Implementers.

Ang nasabing programa ay nilahukan ng mga batang representante mula sa labing-apat (14) mga barangay ng naturang munisipyo na may edad apat (4) hanggang anim (6) na taon, ayon sa Municipalidad ng Aborlan, Palawan.

Sa kaganapan ay ipinakita ng mga munting kandidata ang kanilang talento sa pagsayaw sa production number, na sinundan ng talent portion kung saan aktibong ipinakita ang talento ng mga kandidato sa pamamagitan ng pagkanta, pagsayaw, at tula sa gitna ng pagtatanghal.

Binigyang-diin sa susunod na bahagi ng kompetisyon ang pagiging maparaan at pagkamalikhain ng mga magulang at tagapag-alaga sa paglikha ng kanilang mga malikhaing kasuotan. Ang mga kandidata ay nagsuot ng mga damit na dinisenyo na may mga prutas at gulay.

Sa pagtatapos ng kompetisyon, naiuwi ng pambato ng Brgy. Poblacion ang titulong Little Miss Nutrition 2023 habang tinanghal naman na first runner up ang representante ng Cabigaan at sinundan ng Iraan bilang 2nd Runner Up.

Iginawad din sa kanila ang iba pang espesyal na parangal gaya ng Best in Production, Best in Talent, Best in Creative Attire, at Best in Q & A.

Isang Boodle Fight Competition naman na pinamagatang “Pinggang Pinoy Edition” din ang idinaos sa parehong araw, kung saan nagtipon ang mga kalahok mula sa 14 na barangay ng Aborlan upang ipakita ang kanilang malikhaing pinalamutian na mga lamesa na naglalaman ng tatlong pangunahing grupo ng pagkain na kinabibilangan ng Go, Grow, at Glow.

Layunin umano ng nasabing patimpalak na turuan ang mga mamamayan tungkol sa inirerekomendang paggamit ng pagkain lalo na para sa mga matatanda.

Matapos ang masusing tabulasyon ng mga resulta, nagwagi ang Barangay Tigman sa patimpalak na may 88.17%, na sinundan ng Brgy. Iraan, na nakakuha ng average score na 85.33%, at Poblacion na may 83.83%.

Pinagkalooban din ng special award ang Brgy. Jose Rizal para sa paghahatid nito ng pinakamahusay na Healthy Juice sa kompetisyon.

Binigyan din ng parangal para sa Outstanding Barangay Nutrition Implementer ang Brgy. San Juan, Mabini, Apo-Aporawan, Poblacion, at Tigman, habang binigyan naman ng espesyal na pagkilala ang Bubusawin Elementary School (1st Place) para sa Best Gulayan sa Paaralan, na sinundan ng Tigman Elementary School.

Samantala, nasungkit naman ng Brgy. Tigman ang paligsahan para sa may pinakamabigat na Sabang na-harvest at sinundan ito ng barangay Gogognan at Cabigaan.

Ang selebrasyon ay nilahukan ng iba’t ibang personalidad gaya nina Aborlan Mayor Jaime Ortega, 3rd district Board Member Rafael Ortega Jr., at iba pang panauhin.