Ni Clea Faye G. Cahayag
LUMAGDA sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang Department of Agriculture (DA) MIMAROPA at Bureau of Corrections (BuCor) kasama ang mga pribadong sektor para sa implementasyon ng Reformation Initiative for Sustainable Environment for Food Security (RISE) Project, nitong ika-18 ng buwan ng Agosto.
Ang mga pribadong kumpanya na kabahagi sa proyekto ay ang Enviro Scope Synrgy Inc, ENZA Zaden Philippines, FA Greenfields Corporation, Harbest Agribusiness Corporation, Kaneko Seeds Philippines, Ramgo Seeds International Seeds Corporation, at SL Agritech Corporation.
Kasama rin ang mga institutional buyers at contract growing partners mula sa Yovel East Research and Development at Mansch Fil-Am Corp.
Ito ay sinundan ng ceremonial planting para sa pagbubukas ng technology demonstration farm.
Ang kasunduang ito ang hudyat ng pagsasakatuparan ng RISE project sa lupang nasasakupan ng Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) sa Puerto Princesa City, pilot site ng nabanggit na proyekto.
Pinahihintulutan din nito ang BuCor na makipagtulungan sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at pribadong sektor para makapagtaguyod ng techno demo farm kung saan sakop nito ang kabuuang 5.5 ektarya ng lupang pagtataniman ng palay, gulay, prutas, edible landscaping, at sunflower farm.
Apatnapung (40) person deprived of liberty o PDL ang unang sasanayin at makikinabang sa proyektong ito.
Matatandaan noong buwan ng Hulyo ay unang nilagdaan ng Department of Agriculture at Department of Justice ang MOA na may kinalaman pa rin sa naturang proyekto na kung saan ang seremonya ay personal na sinaksihan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang hakbang na ito ay bilang suporta sa pagkakaroon ng sapat na suplay ng pagkain sa bansa alinsabay sa paglinang sa kakayahan ng mga pdl at bahagi ng kanilang paghahanda sa kanilang paglaya.