PUERTO PRINCESA CITY – Humigit-kumulang 300 piraso na may kabuuang bigat na 5,000 kilograms ng fossilized giant clam shell o taklono ang narekober ng mga awtoridad sa baybayin ng Purok 4, Sitio Payatpat, Brgy. Buenavista, sanabanggit na bayan, nitong Abril 18, 2024.
Natuklasan din ng mga kinauukulan na ang mga nasabing Taklobo ay nakuha sapamamagitan ng diving at fishing activities sa mababaw na katubigan, at ang ilan ay nakuha mula sa mga lokal na mangingisda sa halagang limampung piso (Php50.00) lamang bawat isa.
Ang mga Taklobo ay natagpuan umano sa ilalim ng mga dahon ng saging at niyog malapit sa baybayin at sa loob ng isang residential property.
Ayon sa Coast Guard District Palawan (CGDPAL), naging matagumpay ang kanilang isinagawang Joint Law Enforcement Operation (JLEO) sa pakikipagtulungan ng Coast Guard Intelligence Group Palawan (CGIG-PAL), Coast Guard Station Coron (CGS-Coron), Palawan Council for Sustainable Development, District Management Division (PCSD-DMD)- Calamian, at PNP MARIG Maritime Police.
Samantala, nasa kustodiya na ngayon ng Palawan Council for Sustainable Development o PCSD Calamianes ang nasa isanlibong (1,000) kilo ng fossilized clam shell para sa legal na paglilitis bilang pagsunod sa Republic Act No. 9147, na kilala rin bilang “Wildlife Resources Conservation and Protection Act,” habang ang natitirang apatnalibong kilo naman sasailalim sa pansamantalang pangangalaga ng nasabing barangay.
Ayon sa World Wildlife Fund Philippines, ang mga higanteng Taklobo ay may mahalagang papel sa pagpapanatili ng marine ecosystem at seguridad sa pagkain sa pamamagitan ng pagho-host ng marine algae, isang mapagkukunan ng pagkain para sa mga isda na karaniwang kinakain ng mga Pilipino kaya’t mahigpit na ipinagbabawal ang pagkuha at pag-imbak nito.