PALAWAN, Philippines — Muling Kinilala ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA at Department of Information and Communications Technology o DICT ang mahusay na pamumuno ni Puerto Princesa City Mayor Lucilo Rodriguez Bayron, ayon sa tanggapan ng Impormasyong Panlungsod.
Malugod na tinanggap ng alkalde ang plake ng pagkilala nitong araw ng Lunes, Hulyo 29, matapos ang flag ceremony ng Pamahalaang Panlungsod sa New Green City Hall Building.
Iniabot ni PDEA Acting Regional Director II Valente Cariño bilang kinatawan ni Investigation Agent V Jeremy Carl Junio, Provincial Office PDEA, ang ‘plaque of appreciation’ kay Punong Lungsod Lucilo Bayron.
Ayon sa nilalaman ng plake, kinilala ang “invaluable contributions” at suporta ng alkalde sa misyon ng PDEA Palawan Provincial Office na itaguyod ang rehiyon bilang “drug – free region” sa bansa.
Anila, malaki ang naging ambag ng alkalde para masawata ang pagdami ng ipinagbabawal na droga sa lungsod ng Puerto Princesa.
Samantala, nauna nang pinagkalooban ng “Digital Transformation award” ng DICT ang alkalde nitong nakalipas na Hulyo 24, taong kasalukuyan, na ginanap sa Nustar Resort sa Cebu City.