Nalulugod ang mga kapulisan sa boluntaryong pagsuko ng dalawang communist rebels sa Abra de Ilog sa probinsya ng Occidental Mindoro.
Kinilala ang mga rebelde na alyas “Ka Gay”, 46-taong gulang at alyas “Ka Bambi”, 40-taong gulang na kusang sumuko dakong ala-una ng hapon nitong lunes, ika-18 ng Nobyembre, taong kasalukuyan.
Sumuko ang mga naging miyembro ng New People’s Army (NPA) sa 402nd B Manuever Company RMFB sa Brgy. Poblacion sa Abra de Ilog ng nabanggit na probinsya.
Naging maayos ang pagsuko ng dalawang rebelde sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng Abra de Ilog Municipal Police Station, Mamburao Municipal Police Station, Sta. Cruz Municipal Police Station, Paluan Municipal Police Station, 2nd PMFC, PIU, Mindoro Occidental Provincial Police Office, Philippine National Maritime Unit, Abra de Ilog, RIU MIMAROPA, RSOG, at RID MIMAROPA.
Kasalukuyan naman nasa kustodiya ng pulisya ang dalawang rebelde na boluntaryong sumuko para sa debriefing bago ipasok sa Enhanced Comprehensive and Local Integration Program (E-CLIP).
Nakapaloob naman sa E-CLIP na ang mga maaaring maging benepisyaryo ng nasabing programa ay ang mga regular members ng makakaliwang grupo ng NPA at Militia ng Bayan (MB) na nagsimulang umanib mula ika-3 ng Abril taong 2018 pataas at may pagnanais na talikuran ang pagiging armado at kaguluhan, at nais maging produktibong miyembro ng lipunan.
Ang mga pinansyal na tulong na maaaring ipagkaloob sa mga former rebels sa ilalim ng programa ay ang mga sumusunod: Immediate Assistance – PhP 15,000.00; Livelihood Assistance – PhP 50,000.00 (para sa mga regular NPA lamang); Reintegration Assistance – PhP 21,000.00 sa bawat dating rebelde (para sa Receiving Units), at Firearms Remuneration na kung saan doble naman ang halaga para sa mga isinurender.