PUERTO PRINCESA CITY— Nagsagawa ng apat (4) na araw na malawakang auditing activity ng mga talaan ang tanggapan ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa buong lalawigan ng Palawan na sinimulan noong ika-5 hanggang ika-8 ng Agosto, taong kasalukuyan.
Ayon sa ahensya, layunin ng aktibidad na tiyakin ang tumpak at napapanahon na dokumentasyon, pagpapahusay at bisa ng mga serbisyo ng kanilang tanggapan.
Anila, binibigyang-diin ng masusing pagsusuri na ito ang pangako ng DAR pagdating sa transparency at kahusayan sa pagsuporta sa mga benepisyaryo ng repormang agraryo.
Naging posible ang pagsasakatuparan nito dahil na rin sa pagtutulungan ng mga team mula sa Provincial Office at Municipal Offices ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa buong Palawan mula sa lungsod ng Puerto Princesa, Aborlan, Roxas, Quezon, Sofronio Española, Brooke’s Point, at Narra.
Ang audit team ay binubuo nina Belinda Olarte at Susana Inciso, mula sa DAR Central Office-Records Management Division, DARRO MIMAROPA Regional Records Officer Ritchelle Magat at Records Staff Edgardo Banagan, DAR Oriental Mindoro Records Officer Maricel Lalap, at DAR Palawan Records Officer April Mae Roa.
Pinapangunahan ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa pamamagitan ng pagpapabuti ng pagmamay-ari ng lupa, hustisyang agraryo, at koordinadong paghahatid ng mahahalagang serbisyo at suporta sa mga benepisyaryo kliyenteng.