PUERTO PRINCESA CITY — Bumisita sa Provincial Government ng Palawan si Presidential Assistant for Maritime Concerns Gen. Andres Centino (Ret) na personal na tinanggap ni Governor Victorino Dennis M. Socrates nitong Marso 11.
Batay sa ulat ng Provincial Information Office Palawan, kasama ng dating opisyal si Western Command Chief Vice Admiral Alberto Carlos at delegasyon nito na kung saan ay tinalakay ng general ang ukol sa mga potensyal na lugar ng mutual interest at pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan ng Palawan sa mga ordinansa ng paggamit ng mga kakayahan sa maritime security at mas mahigpit na pagpapatupad ng batas sa loob ng teritoryo ng probinsya.
Binigyang-pansin din niya ang pangako ng pamahalaang nasyunal na tugunan ang mga hamon sa maritime lalo na ang pinag-aagawang karagatan — ang West Philippine Sea (WPS).
Samantala, naroon din sa pagpupulong sina Provincial Information Officer Atty. Christian Jay Cojamco, Peace and Order Program (POP) Manager Atty. Lara Cacal, at Atty. Gellian Baaco-Padilla ng Provincial Legal Office.
Matatandaang, nito lamang Marso 5, muli na namang hinarang ng mga sasakyang pandagat ng bansang Tsina ang mga sasakyang pandagat ng Pilipinas na regular na nagsasagawa ng Rotation and Resupply mission sa barkong Sierra Madre sa Ayungin Shoal, bagay na kinondena ng Pilipinas ang ginawang pangha-harass ng mga Tsino.