PUERTO PRINCESA CITY – Isang kasunduan ang nilagdaan sa pagitan ng Department of Environment and Natural Resources MIMAROPA na pinangunahan ni DENR MIMAROPA Regional Executive Director Mr. Felix S. Mirasol Jr. at mga opisyal ng Pamahalaang lokal ng Rizal, Palawan na ginanap sa MDRRMO Training Center sa nasabing bayan nitong Marso 13, 2024.
Sa Facebook post ni Palawan 2nd District Congressman Jose Ch. Alvarez,
layon ng kasunduan na matulungan ang iba’t ibang organisasyon sa bayan ng Rizal upang magkaroon ng kaalaman tungkol sa pangangalaga ng kagubatan sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga punong kahoy.
Sa pamamagitan ng programang “Habangbuhay na Hanapbuhay” na tulong ng kongresista ito ay mayroong layuning makapag bigay ng mga binhi na makatutulong sa People’s Organization, at makapagtatanim ang mga benepisyaryo ng ‘high valued crops’ at magkaroon ang bawat kasapi ng organisasyon ng opurtunidad na umangat ang pamumuhay sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga bunga nito gaya ng langka at iba pa, sa pamamagitan nito ay maitataas ang produksyon ng dekalidad na prutas mula sa Sur ng Palawan.
Samantala, nakiisa din sa nasabing kaganapan sina Palawan Second District Representative Jose Ch. Alvarez, Mr. Renato S. Gonzaga-OIC CENRO Quezon, at mga kinatawan mula sa Enhanced National Greening Program, at mga miyembro mula sa iba’t ibang People’s Organization.